Ngayong araw ay manunumpa na si Rodrigo Duterte bilang ika-labing anim na pangulo ng Republika ng Pilipinas. Sa kanyang unang-araw na pag-upo sa pwesto, maraming mga mabibigat na bagay ang maiaatang sa kanyang mga balikat – mga hinahing ng mga mahihirap na Pilipino, ang trapik na dekada ng hindi nasusulosyunan, droga, karahasan, talamak na pangungulimbat ng mga nakaupo sa pwesto at kung anu-ano pang mga problemang kanyang kakaharapin sa loob ng anim na taon. Sa mga bagay na aking nabanggit at marahil marami pa na hindi ko na naisulat, gusto ko lamang pong iahayag ang tatlong kahilingan ko para sa ating bagong Pangulo na magsisimula ang termino ngayong araw na ito.
Una – Pangulong Digong, alam ko pong malakas pa kayo sa kabila ng inyong edad. Gayunpaman, gusto ko pong hilingin sa inyo na huwag magpabaya sa inyong kalusugan. Alam ko pong prayoridad niyo kaming mga taong-bayan, pero nawa’y ang mga suliranin ng bayan ay wag maka-apekto sa inyong kalusugan. Kailangan namin ang inyong pamumuno sa loob ng anim na taon na malakas at matalas hindi lamang sa isipan pati narin sa kalusugan.
Ikalawa – Nawa’y lalo niyo pa pong isulong ang pagkapantay-pantay ng bawat Pilipino. Marahil, hindi na talaga magkakapantay-pantay ang pamumuhay ng mayayaman sa mga mahihirap na Pilipino subalit sa mata ng batas, sana po’y itulak niyo ang isang Pilipinas kung saan ang bawat Pilipino – ano man ang estado sa buhay, ano man ang kasarihan, ang pinag-aralan, relihiyon at iba pa., nawa’y maging patas ang mata ng batas para sa lahat ng mamamayan ng perlas ng silangan.
At ang aking huling kahilingan ay simple lamang po. Huwag na huwag po kayong magbabago. Hindi po ako umaasa na matutupad niyo lahat ng inyong mga ipinangako. Sapat na po sa akin na makita ang ating bayan na sumusulong para sa kaunlaran ilang taon man ang abutin para maabot iyon. Nais ko lamang po na kung ano ang Rodrigo Duterte na ipinakita niyo sa taong bayan noong panahon ng eleksyon at maging nang kayo’y alkalde pa lamang ay siya ring Pangulong Duterte ang aming makikilala pa ng lubusan at makakasalamuha sa loob ng anim na taon.
‘Yun lamang po. Maraming Salamat Pangulong Rodrigo Duterte.
Mabuhay po kayo!